Baste, Ateneo spikers tangka ang win No. 2
Ikalawang sunod na panalo ang tangka ng San Sebastian at Ateneo sa magkahiwalay na kalaban sa pagpapatuloy ngayon ng women’s volleyball action sa Shakey’s V-League sa The Arena sa San Juan.
Makakasagupa ng Lady Stags na nais higitan ang runner-up finishes ang Lyceum Pirates sa alas-4:00 ng hapong main game upang masundan ang 25-11, 25-18, 25-23 panalo laban sa St. Benilde noong Linggo.
Inaasahang muling babandera sina Rysabelle Devanadera, Jinni Mondejar, Laurence Ann Latigay at guest player Suzanne Roces para sa Recoletos-based laban sa Pirates, nais namang makabawi sa dalawang sunod na talo.
Asahang sasandal naman ang Lyceum kina Beverly Boto, Jane Jarin, Sherrilyn Carillo at import Dahlia Cruz na puntirya ang quarterfinal berths sa tournament na sponsored ng Shakey’s Pizza at inorganisa ng Sports Vision.
Ang Lady Eagles, na nahirapan sa Pirates sa unang dalawang sets bago hatakin ang 25-23, 29-27, 25-17 ay sasagupa naman sa Blazers sa alas-2:00 ng hapon.
Hahataw para sa Blazers sina Thai import Jindarat Kanchana na tatapatan ni Ma. Rosario Soriano, Patricia Taganas Denise Acevedo at Karla Bello para sa Ateneo.
- Latest
- Trending



















