Naging maganda ang pagbabalik ni dating chairman Dioceldo Sy sa Philippine Basketball League nang magwagi ang kanyang koponang Noosa Shoes kontra Burger King, 73-63 sa opening game ng 2008 PBL Lipovitan Amino Sports Cup noong Sabado.
Sa tutoo lang, dehado ang Noosa Shoes kumpara sa Burger King na dating kilala sa pangalang Mail & More. Noon ngang nakaraang conference ay maganda na rin ang naging performance ng Burger King na iginiya ni coach Allan Gregorio.
Kahit na hindi nakuha ng Burger King ang University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Most Valuable Player na si Jervy Cruz na napunta sa Hapee Toothpaste, ay beterano na rin naman ang mga manlalaro ni Gregorio. Isa pa’y buo na rin naman ang chemistry at teamwork ng King Whoppers.
Sa kabilang dako ay halos isang buwan pa lang nabuo ang Noosa Shoes. Kasi nga, kamakailan lang naman nagdesisyon na magbalik si Sy sa PBL matapos ang mahigit dalawang taong pagkawala. Kinuha niya bilang head coach si Leo Isaac.
Hindi naman nagkaroon ng Drafting ang PBL bago nagsimula ang kasalukuyang conference. So, walang gaanong “fresh talent” na nakuha ang Noosa Shoes. Tatlong manlalaro buhat sa Arellano University lang ang pinayagang direktang makuha ng Noosa Shoes.
At ito’y dahil si Isaac ang coach ng Arellano Flaming Arrows sa NCRAA kung saan kamakailan ay nagkampeon sila matapos talunin ang St. Francis of Assissi sa Finals, 2-0. Ang mga naiangat ni Isaac buhat sa Arellano University ay sina Gio Ciriacruz (6’3), Adrian Celada (6’3) at Jerome Agustin (5’8).
Ibang mga manlalaro ay nakuha na lang ni Isaac sa tryouts kung saan mga free agents ang dumalo. Ibig sabihin, ang mga manlalarong nakipag-ensayo sa kanila ay yung napagpilian na’t hindi kinuha ng ibang teams na kalahok sa PBL.
So kung ikukumpara sa ibang PBL members, dehado talaga ang Noosa Shoes. Wala na nga lang magawa si Mr. Sy at Isaac. Kumbaga’y lalahok na lang muna sila sa kasalukuang torneo at aasang makakatsamba at pagkatapos ay saka na lang magsa-sagawa ng build-up para sa susunod na tournament.
Ito’y mangyayari pagkatapos ng 2008 seasons ng UAAP at National Collegiate Athletic Association. natural na pag natapos ang season ng collegiate leagues na ito ay maraming mga bagong pangalan at batang lalahok sa PBL Draft.
At doon pa lang makakakuha ng “promising players ang Noosa Shoes.
Pero maganda na rin ang kasalukuyang lineup ng Noosa. Siguradong ibubuhos ng mga players ni Isaac ang kanilang makakaya upang matiyak na mananatili sila sa team sa susunod na torneo.