Tinamaan ng lagnat si Fil-American Eric Taino at hindi nakayanan ni Cecil Mamiit ang lakas ng isang Japanese veteran na may 35-19 win-loss record sa Davis Cup.
Umiskor ang Japan ng 2-0 panalo sa dalawang singles event sa paghataw ng Davis Cup Asia-Oceania Group 1 tie kahapon sa harap ng dominanteng bilang ng mga Pinoy sa Rizal Memorial Tennis Center.
Natalo ang bagitong si Patrick John Tierro kay ATP No. 200 Go Soeda sa isang five-setter, 1-6, 6-4, 2-1, 2-6, habang nalasap naman ni Mamiit, ang No. 497 ranked, ang isang 5-7, 6-7 (7), 6-2, 2-6 pagka-talo kay No. 240 Takao Suzuki sa ikalawang laro.
Ang biglaang paglalaro ni Tierro, nasa kanyang unang laban sa Davis Cup, ay bunga na rin ng pagkakasakit ni Taino, ang No. 769 ranked, noong Martes.
“I can’t risk Eric’s health and Eric’s performance also,” ani non-playing captain Michael Misa sa paghugot niya kay Tierro laban sa 23-anyos at Japanese top netter na si Soeda. “I think Eric is recovering very well and he’s ready to play with Cecil for the doubles event.”
Sa kabila ng kanilang 0-2 pagkakabaon, kumpiyansa pa rin ang 31-anyos na si Mamiit na makakabangon pa sila sa doubles na nakatakda ngayong alas-1:00 ng hapon kung saan niya makakatambal ang 32-anyos na si Taino katapat sina Suzuki at Satoshi Iwabuchi.
Ang mananalo sa pagitan ng RP at Japan ang siyang sasagupa sa mananaig naman sa India at Uzbekistan patungo sa World Cup. (Russell Cadayona)