WBC title ni Naito puntirya ni Donaire
Katulad ng kanyang naunang pahayag matapos tanghaling world flyweight champion noong Hulyo 7, hangad ni Nonito “The Filipino Flash” Donaire, Jr. na makolekta ang iba pang flyweight belts.
Isa na sa mga pinupuntirya ng 24 anyos na si Donaire ay ang World Boxing Council (WBC) title ni Japanese champion Daisuke Naito.
Para magtagpo sina Donaire, ang kasalukuyang International Boxing Federation (IBF) at International Boxing Organization (IBO) ruler, at Naito, isang unification fight ang kailangang itakda ng kani-kanilang promoters.
“I’m not afraid of anyone. Basta kung sino ang itapat sa akin, I will definitely fight him for the championship belt,” sabi ng tubong General Santos City at nakabase ngayon sa San Leandro, California.
Matagumpay na naidepensa ni Donaire ang kanyang IBF at IBO crowns matapos pasukuin si Mexican challenger Luis Maldonado sa 8th round ng kanilang championship fight noong Disyembre 1 sa Mashantucket, Connecticut.
Umaasa si Donaire na maitatakda ang kanilang unification fight ni Naito sa Abril ng 2008.
Umiskor si Donaire ng isang fifth round KO kay Armenian fighter Vic Darchinyan noong Hulyo 7 sa Bridgeport, Connecticut upang agawin ang IBF at IBO flyweight titles ng huli bago ito ipagtanggol kay Maldonado matapos ang limang buwan.
Nakatakdang harapin ni Darchinyan si Z “The Dream” Gorres sa isang eliminator sa Pebrero 2 sa Cebu City para sa hahamon kay WBC super flyweight champion Dimitri Kirilov ng Russia. (RCadayona)
- Latest
- Trending