MACAU -- May dalawang pag-asa sa gold medals ang Pilipinas matapos umiskor sina Roland Claro at Brent Velasco ng impresibong panalo sa muay thai upang bigyan ng dahilan ang RP delegation na ngumiti sa kasalukuyang Macau 2nd Asian Indoor Games.
Tatangkain din ni light-welterweight Ruben Zumido na sundan ang yapak nina Claro at Velasco na makapasok sa finals sa pakikipagharap kay Laotian Sengchanh Sivongsa sa isa pang semifinal pairings kagabi.
Nakakasiguro na si Zumido ng bronze medal kahit matalo ito.
Mas kahanga-hanga ang panalong naitala ni Velasco matapos umiskor ng third round technical knockout kontra kay Bounma Vongchampa ng Laos sa kanyang bantamweight semifinal fight.
Kinailangang ihinto ng referee ang laban upang hindi na lalo pang magulpi pa si Vongchampa na duguan na ang ilong.
Makakaharap ni Velasco ang mananalo kina Cham Kai Chung ng Hong Kong at Supachai Payunhan ng Thailand sa finals ngayon.
Tinalo naman ni Claro si Albert Kujur ng India via unanimous decision sa flyweight semifinals at susunod nitong haharapin ang mananalo kina Artit Mennoi ng Thailand at Chan Kai Tik ng Hong Kong sa isa pang finals ngayon.
Isa ring muay athlete ang nakapag-uwi ng ginto mula sa kompetisyong ito na si Billy Alumno, isa na ngayong coach, sa Bangkok noong 2005.
Sa muay din galing ang bronze medal ng bansa mula kay Zaldy Laruan sa featherweight class ngunit iprinotesta ni muay head of delegation Col. Antonio Mendoza ang pagkatalo sa unanimous decision kay Thai bet Kwang Khwang Weerapon.
Dahil sa protesta, iisa pa lamang ang bronze ng Philippines sa official tally na galing kay Catherine Perena sa women’s individual rapid chess.
Nangunguna pa rin ang China na may 36 gold, 19 silver at 17 bronze medals.