Mahigit isang dekada nang kinokonsidera sina Efren “Bata” Reyes at Francisco “Django” Bustamante bilang 1-2 punch ng Philippine pool sa local at international competitions.
Kung hindi si Reyes ay si Bustamante ang nananalo sa mga torneo ngunit dahil parehong may edad na ang dalawa, malaki ang hamon sa kanila ng mga batang players.
Gayunpaman, ipinakita ni Reyes, ang 53-gulang na iniluklok sa Billiards Hall of Fame noong 2003, na kaya niyang makipagsabayan matapos manalo sa 2006 International Professional Tour World 8-Ball Open na may premyong $500,000, Derby City Classic Master of the Table Bonus at Derby City Classic One Pocket crown noong Enero.
Hindi pa rin kumukupas si Bustamante na nanalo naman sa Hard Times Jamboree Nine-Ball at One-Pocket titles.
Nanalo na si Reyes sa World Pool Championships noong 1999 ngunit hindi pa ito natitikman ni Bustamante.
Parehong seeded si Reyes, No. 1 sa Group 6 at si Bustamante sa Group 9 sa 2007 World Pool Championship na magbubukas sa Sabado sa Araneta Coliseum.
Samantala, Nakakuha din si Leonardo Andam ng slot sa WPC bilang qualifier No. 6 matapos igupo ang kapwa Pinoy na si Elvis Calasang, 7-5 sa WPC qualifiers na ginaganap sa Star Billiards Center.
Makakasama si Andam sa Group 2 na lalaro sa Lunes at makakaharap niya si German Ralf Souquet na top-seed ng grupo.
Ang Indonesian na si Alwi ang no. 5 slot sa WPC matapos igupo ang dalawang Taiwanese sa qualifying event at makakasama ito sa Group 7 at lalaban sa Linggo kay top seed Chang Jungling ng Chinese Taipei.