Parang “journeyman” na rin si Mark Clemence Telan sa Philippine Basketball Association. Sa pagbubukas kasi ng 2007-08 season ng PBA ay maglalaro siya sa kanyang ikalimang koponan matapos na ipamigay siya ng Air21 Express sa Coca-Cola Tigers.
Si Telan ay nagsimula sa Tanduay Rhum bago napunta sa Shell Velocity. Bilang manlalaro ng Turbo Chargers ay naparangalan siyang Most Improved Player.
Buhat sa Shell ay nalipat naman siya sa Talk N Text kung saan talagang lumabas ang tunay niyang laro matapos na ipadala siya sa Estados Unidos kung saan lumahok siya sa Big Man’s Camp.
Nang palitan ni Derick Pumaren si Joel Banal bilang head coach ng Phone Pals tatlong conferences na ang nakalilipas ay nalipat si Telan sa Air21. Sa yugto ngang iyon ay medyo sumama ang loob ni Telan dahil sa tila sinabi sa kanila ng management na hindi ipamimigay ang mga manlalarong ayaw umalis.
Pero wala na siyang magagawa dahil nai-trade na nga siya. Nakaganda naman sa career ni Telan ang pagka-kapunta niya sa Air21 dahil sa lalo siyang humusay at naging isa sa mga main men ng Express. Katunayan, siya nga ang leading rebounder ng Air21 bukod pa sa pag-average ng double figures sa scoring.
Pero bago pa man natapos ang nakaraang season ay lumutang na ang balitang ipinamimigay ng Express si Telan. Katunayan, ang unang team na inalok ng Air21 ay ang Purefooods Tender Juicy Giants.
Bagamat malaki ang maitutulong sana ni Telan sa Giants ay tinanggihan siya ni coach Paul Ryan Gregorio dahil napakaraming big men ng Purefoods. Nagkaproblema ang Giants sa big men sa nakaraang Fiesta Conference matapos ipahiram si Kerby Raymundo sa RP team at magkaroon ng injuries sina Jun Limpot at Marc Pingris. Kaya naman nabigo ang Giants na makausad.
Pero bago natapos ang conference ay nagbalik sa active duty si Pingris at nakuha ng Giants si Romel Adducul. So, sa susunod na season, aapaw na ang big men sa kampo ng Giants dahil magbabalik pa si Raymundo. Kaya wala na ring paglulugaran si Telan at baka imbes na tumaas ang kanyang mga numero’y bumaba pa ang mga ito.
Kaya okay na rin na sa Coca-Cola napunta si Telan. Kasi nga, sa poder ng Tigers, ang tangi nilang big men ay sina Ali Peek at Ricky Calimag na nakuha nila buhat sa Sta. Lucia Realty. Medyo maluwag ang rotation sa big men ni coach Vincent “Binky” Favis.
Isa pa’y kailangan talaga ng Tigers ng isa pang malaking manlalaro dahil sa shaded area sila tinatalo ng kalaban.
Siguradong magagamit si Telan sa Coca-Cola at kung ano ang mga numero niya sa Air21, tiyak na mas mahihigitan pa niya ‘yon!