Humataw ang University of the East sa ikatlong quarter sa pagtutulungan nina Paul Lee at Mark Fampulme upang igupo ang De La Salle University, 96-76 sa labanan ng mga league leaders sa UAAP men’s basketball tournament sa Cuneta Astrodome kagabi.
Ito na ang pinakamagandang simula ng UE Red Warriors sa liga matapos itala ang ikaapat na sunod na panalo habang nalasap naman ng DLSU Green Archers ang unang kabiguan na pumigil sa kanilang three-game losing streak sanhi ng kanilang pakikisalo sa 3-1 record sa kanilang karibal na Ateneo de Manila University na walang laro ngayon.
Pinangunahan ni Jorel Canizares ang Archers na umabante ng hanggang 26-puntos, sa kanyang 15-puntos at 7-rebounds habang tumapos naman si Fampulme ng 11.
Sa unang laro, umiskor naman si Mac Baracael ng anim sa kanyang tinapos na 10-puntos sa huling 1:17 minuto ng labanan upang ihatid ang Far Eastern University sa 54-49 panalo laban sa Adamson University.
Naging epektibo ang depensa ng FEU Tamaraws kina Patrick Cabahug at Roel Hugnatan sa huling limang minuto ng labanan na naging susi sa pagsulong ng Far Eastern sa 2-2 panalo-talo katabla ang defending champion University of Santo Tomas at National University habang nalasap naman ng Adamson ang ikaapat na sunod na kabiguan at katabla nila sa kulelat na posisyon ang University of the Philippines. (Mae Balbuena)