Bautista may pag-asa

Bago matapos ang taon ay may isang Filipino fighter na tatanghaling world boxing champion.

Ito ang paniniyak ni super bantamweight sensation Rey "Boom Boom" Bautista kaugnay sa mga naka-linyang makakasagupa niya simula sa Mayo 5 sa MGM Grand sa Las Vegas, Nevada.

"Talagang gagawin ko ang lahat para magkaroon ang Pilipinas ng isang world boxing champion this year," pangako ng 20-anyos na si Bautista, sasanayin ni 2006 Trainer of the Year Freddie Roach kasabay si lightweight AJ "Bazooka" Banal sa Puerto Rico kasabay si world junior middleweight champion Oscar Dela Hoya.

Makakasagupa ni Bautista, may malinis na 22-0 win-loss ring record tampok ang 17 knockouts, si Sergio Miguel Medina (28-0 16 KOs) ng Argentina sa Mayo 5 bilang undercard sa title defense ni Dela Hoya kay Floyd Mayweather, Jr.

Ang Bautista-Medina fight ang siyang magiging eliminator para sa maghahamon kay World Boxing Organization (WBO) super bantamweight titlist Daniel Ponce De Leon ng Mexico.

Matagumpay na naidepensa ng 26-anyos na si Ponce De Leon ang kanyang WBO super bantam-weight belt laban sa 34-anyos na si Gerry Peñalosa kamakailan sa Las Vegas.

Isang rematch ang hinihiling ni Peñalosa, dating naghari sa super flyweight division ng World Boxing Council (WBC), sa kampo ni Ponce De Leon matapos matalo via unanimous decision. (Russell Cadayona)

Show comments