Barakos nanlamig sa Realtors

Alam na ng lahat na pagod ang Sta. Lucia matapos ang isang overtime game noong Biyernes at may mga injuries pa sina Kenneth Duremdes, Marlou Aquino at Dennis Espino.

"It’s all over the newspapers that there’s a lot of injuries and we’re tired," ani coach Alfrancis Chua. "We’re tired physically but mentally we’re not."

Mula sa inspiradong laro nina rookie Kelly Williams, Paolo Mendoza at Alex Cabagnot, pinatumba ng Realtors ang Red Bull Barakos, 96-89, sa pagsisimula ng quarterfinal round ng 2007 PBA Philippine Cup kahapon sa Araneta Coliseum.

Tumipa ang 6-foot-5 na si Williams ng 17 puntos, 9 boards, 2 steals, 1 assist at 1 shotblock sa ilalim ng 19 marka ni Mendoza at kasunod ang 16 ni Cabagnot para ihatid ang Sta. Lucia sa 1-0 lead kontra Red Bull sa kanilang best-of-five quarterfinal series.

Binuksan ng Realtors ang laro mula sa kinuhang 37-22 lamang sa first period bago palubugin ang Bulls ni Yeng Guiao sa pagkabig ng isang 28-point lead sa pagpinid ng second quarter, 65-37.

Mula sa isang pahinga, alam ni Chua na makakabalik ang Red Bull, nakakolekta ng 19 puntos kay Junthy Valenzuela, 15 kay Cyrus Baguio, 13 kay Carlo Sharma at 11 kay Mic Pennisi.

Tuluyan nang sinelyuhan ni Espino, humakot ng 14 marka, 7 rebounds, 1 assist at 1 shotblock kasunod ang 10 puntos ng 6’9 na si Aquino, ang panalo ng Sta. Lucia mula sa kanyang fastbreak basket buhat sa mintis na tres ni Valenzuela sa huling 1:00 ng laro.

Sa ikalawang laro, naisahan ng Purefoods ang Talk N Text, 87-84.

Samantala, namaalam naman sa kanyang pamilya at mga kaibigan si 10-year PBA veteran Gido Babilonia, naglaro sa Purefoods, Shell, Pepsi/7-Up, San Miguel, Mobiline/Talk ‘N Text at FedEx, kahapon bunga ng komplikasyon sa pneumonia sa Medical City.

Ang mga labi ng 6’5 na si Babilonia ay nasa Marian Memorial Chapel sa Marcos Highway sa Antipolo City. (Russell Cadayona)

Show comments