Matapos ang UAAP at NCAA, kahapon ginanap ang UAAP-NCAA All-Star Game sa PhilSports, na alay sa kawanggawa ng Bantay Bata 163. Dahil dito, pansamantala namang natigil ang Collegiate Champions League, na magpapatuloy naman bukas. Labing-anim sa mga matitinik na koponan mula sa ibat ibang kolehiyo sa Metro Manila (kabilang ang University of the Visayas at University of Cebu) ang bumubuo sa liga.
Sa katapusan ng buwan, aandar naman ang University Games sa Bacolod, na dadaluhan ng mga malalakas na boys at girls team mula rito. Makakasagupa nila ang malalakas ding varsity teams mula sa Visayas at Mindanao. Isang linggo ang itatakbo ng torneo. Sa mga lalawigan naman, humahatak din ng marami ang National Basketball Conference, lalo na ngayong dalawa pa ang koponan mula sa Cebu--ang nagbabalik na Tribu Sugbu (na binubuo ng dating Osaka Iridology) at ang Cebu-Osmeña ni dating senador John Osmeña.
Kasisimula pa lamang ng PBA, subalit malayo na rin ang naikot nila. Dumayo sila sa Guam at Dumaguete at may ilan pang laro sa probinsiya na pupuntahan. Pagsapit naman ng ikalawang linggo ng Nobyembre, simula na naman ang Philippine Basketball League, na may ipaparadang bagong miyembro.
May mga umuugong naman na balita na ang ilang koponan na lumahok sa Danny Espiritu Cup ay naghahanap ng mas matagal na ligang paglalaruan. Nag-iisip silang bumuo ng liga na mas mababa ang gastusin kaysa sa PBL at para na rin mabigyan ng hanapbuhay ang mga players na hindi nakapasok sa PBA o kayay lagpas 27 anyos nat hindi matatanggap sa PBL.
Kasalukuyan din namang naglalaro ang Metro Basketball, ang pinakamalaking open basketball tournament ngayon, na kung minsay umaabot sa isang daan ang kalahok na koponan. Naririyan din ang ibang liga tulad ng Ateneo Basketball League na noong nakaraang taon ay mahigit 150 teams ang kasali.
Sa mga kabataan naman, sinusuyod ang buong Pilipinas ng Futures Basketball League, ang bagong liga ng Primovit Growth Vitamins, na naglalayong ipakilala ang larong basketball sa mga bata mula walo hanggang 13 taong gulang. Naging matagumpay ang paglulunsad nito noong katapusan ng nakaraang taon.
At siyempre, naririyan ang paborito nating programang The Basketball Show tuwing Linggo ng hapon, ganap na alas-dos ng hapon sa RPN-9.
Sa tingin ninyo, sobra na kaya ang basketball?