Hanggang sa huling sandali

Hanggang sa huling sandali ay gumagawa pa rin ng hakbang ang Philippine Olympic Committee (POC) upang makakuha ng kakampi sa hanay ng 25 miyembro ng FIBA Central Board.

 Ayon kay POC president Jose "Peping" Cojuangco, Jr., ilang miyembro na ng naturang grupo ang kanyang pinatawagan sa kanyang mga kaibigan sa Australia, United States, New Zealand at Italy para ipaliwanag ang kanilang panig ukol sa isyu sa sinibak na Basketball Association of the Philippines (BAP). 

Nakatakdang dinggin ngayong araw ng FIBA Central Board ang pahayag ng BAP, pamumunuan nina president Joey Lina at vice-president Lito Alvarez, sa kanilang pulong sa Tokyo, Japan. 

Sinabi naman ng POC, sa pamamagitan ni dating Asian Basketball Confederation (ABC) secretary-general Moying Martelino, na ilalatag ni legal counsel Atty. Ding Tanjuatco ang kanilang kontensyon. 

"Kinakailangan you go straight to the point at wala nang paliguy-ligoy," ani Martelino sa sinasabing pagbibigay sa POC at sa BAP ng FIBA Central Board ng tig-10 minuto para ipaliwanag ang kani-kanilang panig.  

Matatandaang sinibak ng General Assembly, mula sa rekomendasyon ng POC, ang BAP ni Lina noong Hunyo ng 2005 bunga ng pag-atras ng huli sa nauna nilang kasunduan ukol sa pagbuo ng isang national training pool. 

Dahilan rito, sinuspinde ng FIBA ang BAP sa sumunod na buwan kung saan hindi nakapagdaos ang POC ng basketball event sa 23rd Southeast Asian Games at posibleng hindi makalaro sa 15th Asian Games sa Doha, Qatar sa Disyembre. Ang pag-aalis sa naturang suspensyon sa BAP ay inaasahang ihahayag sa pulong ng FIBA Congress sa Agosto 28. 

"Ang katotohanan, wala namang problema sa mga regional at world basketball competitions dahil nakalaan na ito sa PBA," ani Lina. "Ang naging problema lang ay para bang gusto ng POC na ang kanilang mga tauhan ang maupo sa BAP." Idinagdag ni Lina na hindi pa rin makakalaro ang RP Team sa 2006 Doha Asiad kung hindi pa rin kikilalanin ng POC ang BAP bilang miyembro. (Russell Cadayona)   

Show comments