"Kami ay patuloy na nanunuyo, hoping against hope kumbaga," sabi ni Lina kay Cojuangco. "Ginagawa namin lahat at sana kami ay tangkilikin muli sapagkat wala naman sigurong kasalanan na hindi napapatawad."
Nagpatawag ng isang informal meeting si Lina kamakalawa sa hanay ng mga National Sports Associations (NSA)s na siyang sumibak sa BAP noong Hunyo ng 2005 mula sa rekomendasyon ng POC.
Dahilan rito, pinatawan ng FIBA, ang international cage body, ng suspensyon ang BAP na posibleng umabot sa darating na 15th Asian Games sa Doha, Qatar.
"Iyon namang mahabang panahon na pagsisilbi ng BAP sa bansa, sana naman ay tingnan rin ng POC at ng mga basketball stakeholders," wika ni Lina.
Ang suspensyon ng BAP ay inaasahang tatalakayin sa pulong ng FIBA Central Board at FIBA Congress sa Agosto 27-28 sa Saitama, Japan.
Sa nasabing pulong, sinabi ni Cojuangco na ipapadala ng POC bilang kinatawan si legal counsel Atty. Ding Tanjuatco kasama ang dalawang miyembro ng Pilipinas Basketball, itinutulak na ipalit sa BAP.
"Kahit na nagbago ang Constitution and By-Laws ng BAP at yon na nga ang direksyon na aming ginawa ng PBA, PBL, UAAP at ng NCAA, sa bandang huli sinabi ng POC na hindi puwede yan at kailangan ay bagong organisasyon na," ani Lina. (R Cadayona)