Sa nakaraang dalawang sunod na panalo ng Red Lions, nag-ambag ng kanyang puntos at depensa ang 6-foot-8 na si Ekwe upang ibigay sa Mendiola-based team ang 3-1 rekord sa ilalim ng 4-1 ng PCU Dolphins at 3-0 ng nagdedepensang Letran Knights.
"Sam is working hard and I see him improving his game," sambit ni coach Koy Banal kay Ekwe, unang kinahiligan ang football sa Nigeria bago lumipat sa basketball, na may 9.5 points at 12.0 rebounds per game average ngayon.
Hangad makasalo sa liderato at sumasakay sa kanilang two-game winning streak, sasagupain ng San Beda ang five-time champions San Sebastian College-Recoletos ngayong alas-4:00 ng hapon matapos ang banggaan ng Perpetual Altas at Jose Rizal Heavy Bombers sa alas-2 sa 82nd NCAA mens basketball tournament sa Ninoy Aquino Stadium.
Nasa ilalim ng Dolphins, Knights at Red Lions ang Mapua Cardinals (2-2), Stags (2-3), Altas (1-3), St. Benilde Blazers (1-3) at Heavy Bombers (0-3).
Matapos mabigo sa PCU, 66-70, dalawang dikit na panalo naman ang inilista ng San Beda mula sa St. Benilde, 71-57, at Mapua, 69-55.
Katulad ng Red Lions ni Banal, nanggaling rin sa tagumpay ang Stags ni Raymond Valenzona nang igupo ang Blazers sa overtime, 89-85, na pumigil sa kanilang two-game losing skid.
Sa ikalawang laro, hangad naman ng Altas at Heavy Bombers na makabangon mula sa magkahiwalay na kabiguan. (Russell Cadayona)