Pero ngayon, maaari na ring sabihing "log on to your game face" para sa mga mainit na sumusubaybay sa amateur basketball sa Pilipinas.
"Nag-umpisa ito nang magkakila-kilala kami online sa isang basketball forum," paggunita ni Henry Abes, presidente ng www.gameface.ph. "Nagkakapalitan kami ng opinyon at kantiyawan tungkol sa basketbol, hanggang sa nagkita kami ng harap-harapan."
Ang eyeball na iyon ng mga Atenistang ito ay nagbunga ng isang negosyo. Sinimulan nila ang planong pagbenta sa Internet ng mga jersey ng mga dating player ng Ateneo, tulad nila Steve Watson, Danny Francisco at iba pa. Kinausap nila isa-isa ang mga player, hiniraman ng mga lumang litrato o uniporme, at nagsimulang manahi ng mga kopya. Pero hindi sila nakuntento.
"Nakita namin na may pangangailangan para sa isang website kung saan pwedeng mag-usap ang mga fans ng amateur basketball. Thus was born gameface.ph."
Wala kayong makikitang litrato o storya ng PBA o PBL sa gameface.ph. Sa halip ay pawang mga college at high school leagues ang matatanaw.
"We want to preserve the purity of the game," paliwanag ni Marlo Rustia, chief operating officer at editor-in-chief ng site. "Iniiwasan namin ang mga malalaking commercial leagues."
Mula sa pagsimula ng site noong Oktubre, mahigit 16,000 na ang dumalaw, pawang mga mahìhilig sa amateur basketball. At dahil sa tindi ng pagtanggap sa kanila, lumikha ng panibagong section ang gameface.ph para sa bawat paaralang may aktibong mga fans.
May labinlima na ring mga student-reporters ang gameface upang iulat ang mga laro sa ibat ibang bahagi ng Pilipinas. Balak nilang paabutin ng 100 ang dami nito, para halos makumutan na nila ang amateur basketball sa bansa. Dahil dito, marami na ring mga bagong player ang napag-uusapan, at nabibigyan ng pagkakataong sumikat.
"Mayroon din kaming kinikilalang mga MVP namin," dagdag ni Abes. "Madalas, ang nabibigyan namin ng parangal ay hindi yung mga popular, pero yung mga player na talagang kinakailangan ng team nila. Tinitignan namin kung sino uung talagang malaki ang epekto pag nawala sa laro."
Padagdag din ng padagdag ang mga serbisyo ng gameface.ph. Ngayon, mapapanood ang mga magagandang play sa mga sari-saring liga sa pamamagitan ng streaming video. At kung mayroon man kayong nakunan na kamangha-manghang aksyon, pwede ninyong ipadala ang tape sa kanila, nang sa gayon ay mapanood ng higit na nakararami.
Kung magpapatuloy ang paglawak ng www.gameface.ph, di magtatagal ay sasakupin na nila at mapag-iisa ang amateur basketball sa Pilipinas. At wala pang nakakagawa niyan.