"Handa na ako," wika ng Pinoy boxing hero habang nagpapahinga sa kanyang two-bedroom unit sa magarbong Palazzo East apartments dito.
Kahapon ng umaga, nagpasiklab si Pacquiao sa kanyang eight rounds ng sparring kontra sa mas mabigat na Russian boxer na si Rustam Nugaev sa Wild Card Gym sa Hollywood na pagmamay-ari ng kanyang American trainer na si Freddie Roach.
"Masarap kaspar. Pero hindi siya makatama. Minsan nga parang nagagalit na," ani Pacquiao ukol sa 147-lbs. Russian. Ang isa pang ka-sparring ni Pacquiao ay ang matangkad na Mexican na si Jose Armando Sta. Cruz.
"Minsan nagpapabira ako sa tiyan parang nagugulat siya sa tigas ng tiyan ko," dagdag pa ng Filipino boxer.
Tatapusin ni Pacquiao ang kanyang training bago tumungo sa Las Vegas sa Lunes na may kabuuang 128 to 132 rounds ng sparring, mas malaki kaysa sa kanyang preparasyon laban kay Hector Velasquez na tinalo niya noong September 2005.
"Patapos na ang training. Pababa na ang dami ng rounds. Pero maganda talaga ang pakiramdam ko ngayon. Maganda ang training," ani Pacquiao na may bigat ngayon na 132 lbs. "No problem sa timbang."
Kailangang may timbang na 130lbs. si Pacquiao bago ang kanyang nakatakdang laban kontra kay Eric Morales sa Jan. 21 sa malawak na Thomas and Mack Center sa tanyag na Vegas strip.
Ang press conference ay sa Jan. 18 sa Mouton Ballroom ng bagong Wynn Las Vegas habang ang official weigh-in ay gaganapin, isang araw bago ang laban. (Abac Cordero)