Naunsiyami ang Magnolia sa unang outright semis slot noong Linggo matapos ang 70-81 pagkatalo sa Hapee-PCU na kanilang ikalawang talo pa lamang sa siyam na laro.
Gayunpaman, inaasahang babawi ang Wizards ni coach Koy Banal, laban sa Elasto Painters ang koponang naging dahilan ng kanilang masaklap na kampanya sa nakaraang dalawang kumperensiya, sa alas-4:00 ng hapong sagupaan.
Magsasagupa rin sa isa pang importanteng laban sa alas-2:00 ng hapon ang Montaña Pawnshop at Hapee-PCU kung saan hangad ng Teeth-masters na masundan ang malaking panalo sa Wizards.
Asahan ang intensibong laban sa pagitan ng Montaña at Hapee-PCU na kapwa may 5-4 win-loss slate at naghahabol din sa awtomatikong semis slots na biyaya ng top-two teams pagkatapos ng eliminations.
Ipinalasap ng Wizards sa Elasto Painters ang pinakamasamang pagkatalo sa season na ito sa una nilang pagkikita ngunit mataas ang morale ng Rain or Shine dahil sa kanilang three-game winning run na siyang bunga ng pumapangalawang 6-3 kartada.