Paragua lumapit sa liderato

SINGAPORE – Pinabagsak ni Grandmaster Mark Paragua ang kababayang GM candidate na si Jayson Gonzales sa 30-moves ng London System upang makalapit sa top seed at solo leader na si Super GM Zurab Azmaiparashvili ng Georgia na nagkasya lamang sa pakikipag-draw kay GM Ni Hua ng China sa 10 moves ng larong Slav Defense sa ikapitong round ng 2005 Singapore Masters and Challengers International Open Chess Championships dito sa Hotel Royal sa Newton Road.

Ang 21-gulang na co-champion noong nakaraang taon na si Paragua ay mayroon nang 5.5 points para saluhan sa ikalawang puwesto sina GM Ni Hua at GM Zhang Zhong ng China, GM Victor Mikhalevski ng Israel at dating world junior women champion GM Koneru Humpy.

Naghati sa puntos sina GM Zhang at GM Mikhalevski matapos ang 31 moves ng Ruy Lopez Opening habang naungusan ni GM Humpy si defending champion GM Susanto Megaranto ng Indonesia.

Nasa liderato pa rin si GM Azmaiparashvili, dating European champion sa taglay na 6.0 points mula sa kanyang limang panalo at dalawang draws.

Malungkot naman ang naging kapalaran ni GM candidate Gonzales na malaki ang kalamangan sa kaagahan ng laro kontra kay GM Paragua na nauwi sa wala dahil sa time pressure bunga ng dalawang sunod na blunders sa17th at 18th moves na nagbigay daan sa dating RP child prodigy sa kanyang come-from-behind victory.

Dahil dito, may 4.5 points lamang si Gonzales tulad ng mga kababayang sina GM Nelson Mariano II at IM Richard Bitoon, GM Viktor Varavin ng Russia, WGM Ruofan Li ng China, IM Ashot Nadanian ng Armenia at Tu Hoang Thai ng Vietnam.

Wala nang pag-asa si Gonzales sa kanyang ikatlo at huling GM norm results dahil isang GM (Paragua) lamang ang kanyang nakalaban at ang kanyang makakaharap sa eight at penultimate round ay isang Iinternational Master lamang na si Salor Sitanggang ng Indonesia.

Show comments