Far Eastern Insurance nagpakita ng kahandaan

Ipinakita ng Far Eastern Insurance ang kanilang kahandaan para sa naalapit na PBL Heroes Cup nang kanilang pabagsakin ang Montaña Pawnshop, 75-71, sa pre-season match nitong Miyerkules sa Reyes Gym sa Mandaluyong.

Pinangunahan ni Don Villamin ang Insurers sa pagkamada ng 14 points upang ipakita ng Cavite-based squad ang kanilang lakas sa kanilang pagpapartisipa sa season-opening conference na magbubukas sa October 29 sa La Salle Greenhills.

Umiskor si Allan Gamboa, dalawang kumperensiyang nasa Welcoat na tatawagin na ngayong Rain or Shine Elasto Painters, ng triple upang basagin ang 68-68 pagtatabla at pigilan ang paghahabol ng Jewels.

Tumapos si Gamboa ng 12 points, walo nito ay sa third period na pinarisan nina Nat Cruz at Niño Marquez na mayroon ding tig-12-puntos.

Sinamantala ng Insurers ni coach Bong dela Cruz ang pagkawala ng top gunner ng Montaña na si Alex Compton, upang iposte ang 37-28 advantage sa halftime.

Show comments