Rain-or-Shine Elasto Painters na ang Welcoat

Wala na ang pangalang Welcoat Paints ngunit ang bagong Rain-or-Shine Elasto Painters ang magpapatuloy ng winning tradition ng Paint Masters sa 2006-season ng Philippine Basketball League.

"Despite changing our name, we will still maintain the winning tradition of Welcoat Paints," pahayag ni team owner Raymond Yu sa paglulunsad ng kanilang bagong pangalan kasama ang kanyang partner na si Terry Que sa Cabalen Restaurant sa Robinsons Ermita kahapon.

Sa ilalim ng Welcoat Paints, nagsubi ng anim na championship trophies ang Wel-Best franchise sa 10 beses na pagtuntong sa championships sapul nang pumasok sa PBL noong 1996.

Sa naturang Press launching, ipinakilala ang mga miyembro ng koponang sasabak sa season opening conference na magsisimula sa Nov. 5 sa La Salle Greenhills na pangungunahan ng mga bagong recruits na sina Junjun Cabatu ng La Salle at Ronjay Enrile mula sa Letran.

Ang iba pang miyembro ng koponan na imamando pa rin ni coach Caloy Garcia na naghatid sa kanilang pinakahuling titulo sa PBL Unity Cup, ay sina JayR Reyes, Jay Coching, Marvin Ortiguerra, Jojo Tangkay at Erwin Sta. Maria.

"I’m happy with what we have achieved in the past nine years. I did not imagine that we would be successful but we won six titles. I’m proud of how we played our games and how the way the fans have accepted us," sabi naman ni Que. (CVO)

Show comments