Makakasagupa ng Phone Pals ang Sta. Lucia na magpaparada ng bago ngunit balik-PBA import na si Leon White sa main game, alas-7:25 ng gabi.
Ang Phone Pals na siyang team-to-beat sa kumperensiyang ito dahilan sa pagdating nina top draft pick Anthony Washington at Mark Cardona dagdag ang pagbabalik aksiyon ni Paul Asi Taulava, ay nagtagumpay laban sa defending champion San Miguel Beer noong October 7, 74-66 at sa Air21 noong October 12, 109-91.
Tanging ang Talk N Text na lamang ang koponang wala pang talo sa hawak na 2-0 win-loss slate at hangad nilang mapanatili ang malinis na kartada laban sa Sta. Lucia na nag-iingat naman ng 2-1 win-loss slate katabla ang Barangay Ginebra
Hindi nakuntento ang Realtors kay import Luke Whitehead bagamat naging susi ito sa kanilang 89-79 panalo laban sa Coca-Cola sa pagkamada ng 35-puntos, sa unang out-of-town game ng PBA sa Lanao Del Norte noong Sabado kayat paglalaruin nila ang kanilang first choice import na si White.
Si White na nasukatan kahapon sa PBA office sa taas na 6-foot-5 ay naglaro na sa Purefoods noong 2002 Governors Cup. Huli itong tumuntong ng bansa noong September ng nakaraang taon para maglaro sa SK Knights sa PBA-Korean Basketball League goodwill series.
Sa pambungad na laban, magsasagupa naman ang Gin Kings at Alaska Aces sa alas-4:40 ng hapon.
Sakaling magtagumpay ang Ginebra at Sta. Lucia, awtomatikong makikisalo sila sa liderato sa kasalukuyang pumapangalawa at walang laro ngayong Purefoods Chunkee Giants na may 3-1 kartada.
Makakatapat ni White ang kapwa niya balik PBA import na si Damien Cantrell ngunit kakailanganin nito ang malaking suporta ng mga locals dahil malaking pader ang kanilang babanggain ngayon. (Carmela Ochoa)