Ayon kay DepEd Officer in Charge (OIC) Fe Hidalgo, bukod kay Mark Benitez ay siyam pang mga atleta ang nameke ng Philippine Placement Test Certificate of Ratings (PEPTCR) ang ngayon ay kanilang iniimbestigahan subalit itinanggi muna niyang pangalanan ang mga ito.
Dagdag din ni Hidalgo na ang insidente ng pamemeke ay nangyari habang nakaupo pa si dating DepEd Assistant Secretary Mario Bravo na napag-alamang nawala lang sa kagawaran nito lang unang buwan ng 2005.
Sinabi din ni Hidalgo na malaki ang posibilidad na inside job ang mga pamemeke, subalit nagbabala ito sa mga taong sangkot na hindi mangingiming kasuhan ng DepEd ang sinumang sangkot sa kontrobersiya dahil ang mga ganitong klase ng tao ang sumisira sa imahe ng kagawaran.
Dahil dito, nakatakdang magbigay ng memorandum sa mga paaralan ang DepEd upang magsiyasat ng mga record ng PEPTCR para sa secret code nito upang malaman na authentic ang hawak ng isang estudiyante lalo na kung ito ay isang atleta.
Ang mga resulta ng PEPTCR ay may mga secret codes na tanging ang tanggapan lamang ang nakakapagberipika. (Edwin Balasa)