Apat ang mawawala sa Letran ngunit may isang magbabalik

Sa pagdiriwang ng Letran Knights para sa kanilang ika-16 overall championship, isang player ang kanilang inalala.

Ayon kay head coach Louie Alas, nagbabalak si 6-foot-1 Ronjay Enrile na bumalik sa koponan sa 82nd season ng National Collegiate Athletic Association (NCAA) sa susunod na taon.

"Pero siyempre, he has to start all over again. Dapat sumunod siya kung ano ang gusto naming ipagawa sa kanya in terms of playing for the team," wika ni Alas. "Pero I’m hoping na makabalik nga siya next year."

Si Enrile ang siyang naging sandata ng Knights sa kanilang huling kampeonato noong 2003 bago nagkaroon ng problema sa kanyang academics.

"Actually, gusto ko si Ronjay sa team namin. Mabait siyang bata. Wala ring problema sa mga teammates niya. Siguro kung naglaro siya ngayon baka na-sweep pa namin ‘yung championship series namin ng PCU," ani Alas.

Sa kanyang pagkawala sa NCAA, naglaro si Enrile sa National Basketball Conference (NBC).

Natikman ng 42-anyos na si Alas ang kanyang ikatlong NCAA crown para sa Knights nang igiya ang Intramu-ros-based cagers sa 2-1 tagumpay sa Dolphins sa kanilang best-of-three championship series.

Sa susunod na taon, wala nang masasandalang Eric Rodriguez, JP Alcaraz, Billy Ray Anabo at 6-foot-7 Mark Andaya ang Letran.

"Pero may mga players na akong maglalaro sa mga spot nila, kaya parang wala ring malaking problema sa team next year," sabi ni Alas.

Inihandog ni Alas kina Rodriguez, Alcaraz, Anabo at Andaya ang korona bukod pa sa pagtatakda ng isang special event sa Oktubre para parangalan ang apat na Knights. (Russell Cadayona)

Show comments