Naging unanimous ang desisyon ng UAAP Board sa pagkakaroon ng replay ng naturang laro na gaganapin sa September 18 sa alas-4:00 ng hapon sa Araneta Coliseum pagkatapos ng womens Final Four, sa kanilang pagpupulong sa Casa Español sa Kalaw, Manila kahapon.
Inapela ng La Salle ang desisyon ng UAAP Technical Committee na bawiin ang kanilang 86-83 overtime win at ibigay sa East.
Kinatigan ng UAAP Technical Committee ang protesta ng Red Warriors ukol sa illegal na timeout na ginawa ng La Salle sa regulation ng kontrobersiyal na laro kaya binawi nila ang panalo at ipinagkaloob sa East.
Bunga nito, bumalik sa 9-3 ang kartada ng Red Warriors habang ang La Salle ay 7-4 sa kasalu-kuyang second round ng eliminations ng UAAP mens basketball tournament.
Dahil dito, sisikapin ng Red Warriors na palakasin ang kanilang tsansa sa twice-to-beat ticket sa pakikipagharap sa University of the Philippines sa pagpapatuloy ng ak-siyon sa Araneta Coliseum na siyang tampok na laro sa alas-4:00 ng hapon.
Mapanganib ang labang ito para sa East dahil importante sa UP Maroons (6-7) ang larong ito na kanilang huling laro sa eliminations dahil kailangan nilang manalo at umasang matalo ang Archers sa kanilang huling tatlong laro para makahugot ng play-off sa huling Final Four slot.
Mauuna rito ay ang no-bearing game sa pagitan ng mga sibak na sa kontensiyong University of Santo Tomas (4-9) at wala pa ring panalong National University (0-12) sa alas-2:00 ng hapon.
Sa pang-umagang juniors action, magha-harap ang UST Tiger Cubs at ang NU Bullpups sa pambungad na laban sa alas-9:00 ng umaga na susundan ng sagupaan ng UE Pages at UP International School sa alas-11:30. (Ulat ni Carmela Ochoa)