Kampanya ng Pinoy sa National Open maaapektuhan

Inaasahang maaapektuhan ang kampanya ng mga national athletes sa nalalapit na 2005 National Open and Invitational Track and Field Championships sa April 14-17 bunga ng iba’t ibang karamdaman.

Sinabi ni Philippine Amateur Track and Field Association president Go Teng Kok na panauhin sa SCOOP sa Kamayan Forum kahapon na ilan sa kanyang mga atleta ay nagkasakit habang nati-training sa Baguio City.

"Marami sa mga atleta natin ang nagka-flu as reported to me by our coaches in Baguio. It wasn’t confirmed yet kung meningococcemia ito but the PSC (Philippine Sports Commission) has already extended its assistance. Kaya lang kulang daw kasi ang gamot na ipinadala," ani Go.

Ayon kay Go, tiyak na walang kakayahang makipag-sabayan ang mga national athletes sa mga foreign participants kaya ang mga batang atleta na lamang ang isasalang sa trackfest.

"I’m going to Baguio early next week to personally check our athletes’ condition. For sure, our performance in the coming Milo National Open won’t be that strong so we intend to expose younger athletes since malalakas din ang mga dadating na foreign teams," paliwanag nio Go na sasamahan ni PSC officer-in-charge William Ramirez na magbubukas ng Milo National Open kasama si Philippine Olympic Committee president Jose "Peping" Cojuangco.

Posibleng hindi rin makakalahok ang Southeast Asian Games double gold medalist na si Eduardo Buenavista matapos magka-injury sa kanyang nakaraang pagkampanya sa South Korea gayundin ang 2003 SEA Games ma-rathon champion Allan Ballester at Roy Vence na kakatawan ng bansa sa Boston Marathon.

Siyam na bansa ang nagkumpirma na ng partisipasyon na kinabibilangan ng China, Chinese-Taipei, Singapore, Indonesia, Malaysia, Macau, Vietnam, Brunei at Hong Kong para sa four-day trackfest na ito na may 43 events na paglalabanan.

Sinabi rin ni Go na walang Fil-foreign athletes na lalahok dahil sa kanyang palagay ay hindi na ito kailangan ngunit kung nais nilang kumatawan ng bansa sa SEA Games ay magkakaroon ng special trials para sa kanila. (Ulat ni CVOchoa)

Show comments