May panalo si Pacquiao kay Muhammad

Sa ilalim ng Muhammad Ali Boxing Reform Act, malaki ang posibilidad na may makuha si Manny Pacquiao na sosyo sa kinita ng pay-per-view na laban nila ni Erik Morales.

Ito rin ang taimtim na panalangin ng kilalang boxing personality na si Hermie Rivera, at sana kaparehong batas na maaaring i-implementa sa ating bansa para sa kapakanan ng ating local fighters.

"Maganda ang chance niya (Pacquiao) to recover his share in the pay-per-view fight with Erik Morales. Pero si Manny, milyonaryo na yan. Ang mga kawawa talaga ‘yung iba nating boxers na hindi talaga nababayaran ng sapat sa mga laban nila," ani Rivera sa lingguhang PSA Forum sa Manila Pavilion kahapon.

At binigyan diin niya ang kaso ng dating two-time world champion na si Luisito Espinosa at reigning Orient Pacific Boxing Federation Rodel Mayol na hindi pa nababayaran ng tama sa kanilang mga naging laban dito mismo sa ating bansa.

Hindi pa nakokolekta ng 37 anyos na dating Tondo boy at dating protegee ni Rivera ang may halagang $130,000 sa kanyang matagumpay na pagdepensa sa kanyang World Boxing Council (WBC) featherweight title laban kay Carlo Rios ng Argentina sa Koronadal, Cotabato may walong taon na ang nakakalipas.

Nasa korte pa rin ang kaso ng tumatanda ng si Espinosa na naka-base ngayon sa Los Angeles, kung saan patuloy na nagboboksing para mabuhay.

Hindi naman ito nakikita ni Rivera na mangyayari sa kaso ni Pacquiao kung saan inilahad nito ang probisyon sa section 10 ng Ali Act.

Sinabi nito na may magandang hinaharap at resulta ang 26-anyos na si Pacquiao kontra sa US promoter Murad Muhammad.

Show comments