Wild card phase sino ang magiging mapalad ?

Tampok ang dalawang best-of-three matches ngayon sa pagbu-bukas ng wild card round ng Gran Matador PBA Philippine Cup sa Araneta Coliseum.

Nakataya ang krusyal na 1-0 bentahe sa sagupaang San Miguel Beer at Sta. Lucia Realty sa pambungad na laban sa alas-4:10 ng hapon.

Sa ikalawang laro, nakatakda naman ang duelong Purefoods TJ Hotdogs at Coca-Cola Tigers sa bandang alas-6:30 ng gabi.

Ang ikalawang bahagi ng wild card round ay matutunghayan sa Mar-tes sa pagsasagupa ng Red Bull at Shell gayundin ng FedEx at Alaska, sa Cuneta Astrodome.

Ang Turbo Chargers at Aces bilang No. 3 at No. 4 team ayon sa pagkakasunod ay may bentaheng twice-to-beat kaya isang panalo na lamang ang kanilang kailangan para makasulong sa semifinal round.

Kailangan namang g manalo ng Barakos at Express ng dalawang beses para makausad sa susunod na round.

Nabigo ang Beermen sa kanilang playoff game laban sa Aces, 91-98 kamakalawa para sa natitirang twice-to-beat ticket kaya inaasahang pagbubuntunan ng San Miguel ng galit ang Realtors.

Bagamat nagtapos ang Realtors sa eliminations na may 6-12 panalo-talo katabla ang Red Bull at FedEx, nakuha nito ang ikawalong puwesto dahil sa mas mataas na qoutient.

Bilang insentibo sa top-two teams, hindi na dadaan sa yugtong ito ang No. 1 team na Barangay Ginebra at ang defending champion Talk N Text na kumopo ng No. 2 spot matapos igupo ang Shell sa kanilang playoff kamakalawa para sa huling awtomatikong semis slot.

Dahil pahinga ang Gin Kings at Phone Pals, marami silang panahon para makapaghanda sa semifinal round. (Ulat ni CVOchoa)

Show comments