Ito ang resulta ng dalawang maiinit na Final Four matches ng NCAA mens basketball tournament kahapon sa Rizal Memorial Coliseum.
Pinanigan ng magandang kapalaran ang UPHDS Altas sa huling maiinit na segundo ng labanan upang hatakin ang 58-56 panalo sa unang seniors game upang okupahan ang unang slot sa finals.
Sumandal naman kay Robert Sanz ang PCU Dolphins nang umiskor ito ng 10-sunod na puntos sa kanyang tinapos na 19 sa overtime matapos ma-fouled-out ang mga key players na sina Gabby Espinas at Jason Castro tungo sa kanilang 85-80 panalo sa Letran sa ikalawang laro.
Ang dalawang puntos na bentahe ng Philippine Christian ay pinaluwang ni Sanz sa pamamagitan ng kanyang free-throws sa 84-80 at di nakaiskor ang CSJL Knights sa kabilang panig nang supalpalin nito mula sa likod ang lay-up ni Ronjay Enrile bago niya ipinoste ang final score sa pamamagitan ng split shot dahil sa foul ni Billy Ray Anabo.
Papasok sa ikaapat na quarter, lamang na ang Dolphins sa 65-58 ngunit naka-10-0 run ang Letran para agawin ang iskor sa 68-65.
Sa yugtong ito napa-talsik sa laro si Espinas kasunod ang kontrober-siyal na pagkakafouled-out ni Rysal Castro na tinawagan ng offensive foul laban kay Enrile kaya nagkaroon ng komosyon nang magwala si coach Ato Tolentino na tinawa-gan ng technical matapos pumasok sa court.
Nanalo na sana sa regulation ang Philippine Christian ngunit masyadong kapos ang triple attempt ni Derryl John Santos kaya napako ang iskor sa 71-all sanhi ng extra five-minute.
Pang-MVP naman ang performance ang ipinamalas ni Marcel Cuenco sa panalo ng Altas ng umiskor ito ng 20-puntos, 10-puntos ay sa dikitang ikaapat na quarter bukod pa sa 10 rebounds.
Magsisimula ang best-of-three finals series bukas sa Rizal Memorial Coliseum.
Maipagtatanggol rin ng San Beda Red Cubs ang kanilang titulo sa championships nang kanilang okupahan ang unang finals berth sa juniors division matapos ang 79-71 panalo kontra sa La Salle Greenhills sa kanilang Final Four Match.
Makakaharap ng Red Cubs sa best-of-three series ang mananalo sa isa pang junior Final Four match, na kasalukuyan pang nilalaro habang sinusulat ang balitang ito, sa pagitan ng Letran Squires at PCU Baby Dolphins. (Ulat ni Carmela Ochoa)