Nagmarka ng impresibong performance si Figueroa nang patalsikin niya ang womens world No. 3, ngunit kinapos kay Almudena Gallardo ng Spain 152-150 sa round of 32 ng 70-meter 18-arrow womens individual archery event sa makasaysayang Panathinaiko Stadium dito.
At dito nagwakas ang kagila-gilalas na husay ng 19 anyos na taga-Tondo, na wild card entry sa Olympics, makaraang gapiin ang dating world at Olympic medalist na si Natalia Valeeva.
"Nanghihinayang ako. Pakiramdam ko, kaya ko siyang talunin," sabi ni Figueroa na siya na ngayong highest ranked Filipino archer bagamat nasa kanyang ikaapat na international event lamang na nagsimula noong Vietnam Southeast Asian Games.
Sa kanyang 150 tally, si Figueroa ay ranked 27 mula sa 64 participants para lampasan ang 58th place finish ni Jennifer Chan sa 2000 Sydney Olympics at 37th ni Francisco Naranjilla Jr. noong 1972 Munich Games.