DI NA PINAGDUDUDAHAN SI THOMAS

TILA nahanap na ng Red Bull Barako ang import na talagang makakatulong sa kanilag hangaring mamayagpag sa Gran Matador-PBA Fiesta Conference.

Kung sinu-sino pa ang sinubukan ng Barakos, ‘yun pala’y isang datihan lang din ang swak na swak sa kanilang sistema at ito’y si Victor Thomas na unang naglaro sa Sta. Lucia Realty tatlong taon na ang nakalilipas. Bale ikaanim na import ng Red Bull si Thomas.

Noong Miyerkules ay ipinakita ni Thomas na kaya nga niyang tulungan ang Barakos. Bagamat mas marami ang puntos na naitala niya kumpara sa import ng Barangay Ginebra na si Torraye Braggs, si Thomas pa rin ang nagkaroon ng huling halakhak.

Kasi nga, sa dulo ng laro ay nagawa ni Thomas ang hinahanap sa kanya ng Red Bull. Siya ang umiskor ng winning basket at pagka-tapos ay sinupalpal pa niya si Braggs upang selyuhan ang 101-98 panalo ng Barakos na umakyat sa ikatlong puwesto kung saan kasalo nila ang Alaska Aces at Talk N Text na kapwa may 9-7 record.

"Okay na si Thomas sa amin. He’s the right import for the team as of the moment," ani Red Bull coach Joseller "Yeng" Guiao.

Sa apat na laro, si Thomas ay nag-average ng 24.5 puntos, 12 rebounds, 1.5 assists, isang steal, 1.5 blocked shots at 2.75 errors sa 41.5 minuto.

Mamayang gabi ay sasabak sa kanyang ikalimang laro sa Red Bull si Thomas sa paghaharap ng Barakos at Purefoods Tender Juicy Hotdogs sa Ynares Center sa Antipolo City.

Sa anim na imports ng Red Bul, walang umabot sa limang laro.

Si DeAngelo Collins ay nakaapat na laro din sa bakuran ng Red Bull kung saan nag-average siya ng 16.25 puntos, 8.5 rebounds, isang assist, isang steal, 1.25 blocked shots at 3.75 errors sa 30.25 minuto bago pinalitan ni Corey Hightower.

Si Hightower ay tumagal ng tatlong games kung saan nag-average naman siya ng 25.33 puntos, 6.67 rebounds, tatlong assists, 1.67 steals, 0.67 blocked shots at 4.33 errors sa 41.67 minuto.

Si Bingo Merriex ay naglaro ng dalawang games kung saan nag-average siya ng 16 puntos, 11.5 rebounds, 1.5 assists, dalawang steals, 0.5 blocked shot at tatlong errors sa 33 minuto.

Sina Carlos Wheeler at Douglas Wrenn ay tig-isang games lang ang itinagal at natsugi na kaagad. Si Wheeler ay nagtala ng 23 puntos, 13 rebounds, tatlong assists, isang blocked shot at pitong errors sa 45 minuto samantalang si Wrenn ay mayroon lang 12 puntos, siyam na rebounds, isang steal, isang blocked shot at tatlong errors sa 35 minuto.

Hindi naman sinasabi ni Guiao na permanente na si Thomas sa kampo ng Red Bull. Patuloy pa rin daw silang maghahanap ng matinding import kung sakaling tumukod si Thomas. Pero sa ngayon ay satisfied sila sa performance ng kanilang ikaanim na import.

Ang importante’y umakyat na sila sa standings at baka sakaling makadiretso pa nga sila sa quarterfinals.

Kapag nagkaganito siguro, malamang na manatili na si Thomas sa kanila.

Show comments