Respeto sa isa't isa ipinakita nina Pacquiao at Marquez

Las Vegas, Nevada -- Walang fireworks, walang palitan ng maanghang na salita, tanging malalamig na pahayag lamang ng misyon para sa Sabado (Linggo sa Manila) ang naganap.

Sa katunayan, nagpakita ng respeto sa isa’t isa sina consensus featherweight champion Manny Pacquiao, na bitbit ang pag-asa ng buong Pilipinas, at Mexican titlist Juan Manuel Marquez sa kanilang pagkikita sa media conference sa MGM Grand Arena.

Gayunpaman, patuloy na liyamado ang Pinoy boxer sa pagsimula ng countdown sa pinakamalaking laban na nagkakahalaga ng P1 million.

Ang Pinoy fighter at Mexican hitman ay tatanggap ng $500,000 ayon kay top Rank Bob Arum, ang promoter ng laban kasama ang M&M sports ni Murad Muhammad at HBO.

Sa pustahan ng publiko sa Las Vegas, pinapaboran ang 25 anyos na si Pacquiao, na umaasam na makukuha ang International Boxing Federation at World Boxing Association featherweight belts kay Marquez,na may minus 170 mula sa minus 150. Binibigyan naman si Marquez ng plus 150 mula sa plus 130.

"I have not underestimated Juan Manuel Marquez because he’s a good champion and a great fighter that’s why I trained hard for this fight. I dedicate this fight to my countrymen," ani Pacquiao.

Ang official weigh-in ay gaganapin ngayong alas-4 ng hapon at inihayag na rin ng promoters ang pagpalit ni John Stewart ng New Jersey kay Clark Samartina bilang isa sa tatlong hurado.

Ang dalawa pa ay sina Burt Clements ng Nevada at Guy Jutras ng Canada at ang beteranong reperi na si Joe Cortez ang third man sa ring.

Ang laban ay magsisimula sa ganap na alas-6:45 ng gabi ng Sabado (Linggo ng umaga sa Manila) sa sellout crowd na 10,000 kabilang na ang Filipino fans. (Ulat ni Lito A. Tacujan)

Show comments