Quirimit may pag-asa pa ba?

Nakakalungkot isipin na halos wala pa sa kalagitnaan ng karera ay nag-concede na ang defending champion na si Arnel Quirimit sa ginaganap na 2004 Tour Pilipinas.

Masakit man isipin pero hindi mo masisi si Arnel na nilalagnat hanggang sa kasalukuyan habang nakikibaka sa karera.

Pero hanga pa rin ako sa taong ito.

Bakit?

Bagamat nag-concede na siya para sa kanyang pagdepensa sa titulo, hindi pa rin ito umaayaw sa kabuuan ng karera.

At dahil dito, kahit na nasa malayong 48th place ito sa overall makalipas ang Stage 5, sa isang de kalidad na siklistang tulad niya, hindi malayong makaabot pa ito at makatuntong sa top 10.

Siyempre kahit papaano, unti-unti na ring bumabalik ang kanyang lakas. Katunayan, sa karera kahapon na nagtapos sa Quezon City, si Quirimit ay pang-22 na dumating sa finish line.

At may 12 stages pang nalalabi at kinabibilangan ito ng killer lap na Baguio-to-Baguio. Marami pang yugto na maraming challenges tulad ng mga akyating ruta at ang pinakamahabang ruta na magmumula sa Aparri hanggang Laoag City.

Kaya naman kahit na sinasabing nag-concede na si Qurimit sa kanyang target na back-to-back title, may pag-asa pa rin ang 29 anyos na tubong Pozzorubio, Pangasinan na makabalik sa kanyang kampanya.

So abangan na lang natin ang susunod na kabanata.
* * *
Wala pa sa Top 10 ang mga dating tour champions at bigating riders na tulad nina Bernie Llentada, Carlo Guieb, Victor Espiritu, Placido Valdez, Warren Davadilla. Tanging si Renato Dolosa lamang at ito ay nasa 10th place ngayon.

Well, sabi ko nga sa inyo, hindi pa tapos ang karera at halos ngayon pa lamang nagsisimula kaya wag kayong bibitiw.

Show comments