Binawi kahapon ni PBA Commissioner Noli Eala bago magsimula ang laban ng Red Bull at Alaska ang suspensiyon na ipinataw sa kanya noong Nobyembre ngunit mahigpit itong babantayan ng liga.
Gayunpaman, hindi pa naasahan ng Barakos ang serbisyo ni Torion kahapon dahil sa Abril 18 pa ito makakapagsimulang maglaro.
Pinatawan ng walong buwang suspensiyon si Torion o sa buong Fiesta Conference nang mabalian ng buto sa ilong si Talk N Text guard Jimmy Alapag sa kanilang quarterfinal match sa Reinforced Conference noong nakaraang taon.
Sa September pa sana makakalaro si Torion na sumiko kay Alapag ngunit dahil sa walang sawang pag-apela ng Red Bull at dahil na rin sa ipinakitang pagsisisi ni Torion ay pinayagan ito ni Eala na maglaro na.
"Jimwell has showed remorse. Jimmy Alapag has come out in public and said he has forgiven Jimwell. And we know that Jimwell brings such a passion to the game that makes him fun to watch. Thats why we decided that it was in the best interests of everybody to shorten the suspension," ani Eala.
Bukod sa walong buwang suspensiyon, pinagmulta rin ng P70,000 si Torion na ayon kay Eala ay nabayaran na nito.
Matapos patawan ng supensiyon, agad na umapela si Torion at humingi ng public apology dahil wala itong maipapantustos sa kanyang tatlong anak at pamilya.
Hindi ito napagbigyan gayundin bago magsimula ang Fiesta Cup ngunit ngayon lamang dininig ng liga ang kanyang pakiusap.
Sinabi ni Eala, sa oras na masangkot si Torion sa isang insidenteng tulad ng insidenteng naging dahilan ng kanyang pagkakasuspindi, kailangan na niyang tapusin ang walong buwang suspensiyon na matatapos sa September. (Ulat ni Carmela V. Ochoa)