Unang inaalay ng Pinoy divers ang gintong medalya nang manguna ang tambalang Ryan Rexel Fabriga at Jaime Asok sa synchronized diving sa pang-umagang events sa National Aquatics Sports Complex sa Hanoi.
Ito ang ikalawang gold medal ng 18 anyos na si Fabriga, na ang una ay sa 10m platform individual.
Pumangalawa para sa silver medal ang Husaini Noor at Muhammad Nasrullah ng Malaysia at bronze para sa Thailand.
Binaril naman ng mens trap team ang ikalawang gintong medalya sa araw na ito makaraang magpaputok ng kabuuang 309 sina Jaime Recio, Eric Ang at Jethro Dionisio sa mens team trap shooting sa National Training Sports Center 1 sa Hanoi.
Bumaril ng 106 si Recio, silver medalist sa 2001 SEA Games sa Kuala Lumpur, upang makuha ng team ang gold ng isang puntos na lamang sa Vietnamese trap shooters na may 308 para sa silver.
Ihinabol naman ng swimmer na si Miguel Mednoza ang ikalimang gold sa 1500m freestyle. (Ulat ni Dina Marie Villena)