Gatchalian bigo

Kinapos si Joonee Gatchalian sa kanyang kampanyang maidagdag ang Indonesian leg crown ng Aviva Bowling Tour sa lumalagong listahan ng mga tagumpay ng mga Pinoy sa international bowling nang yumuko ito kay Wu Siu Hong ng Hong Kong, 249-236, sa finals sa Jaya Ancol Bowl sa Jakarta.

Isang nakakalungkot na kabiguan ito para kay Gatchalian na umaasam ng tagumpay sa ikaapat na yugto ng 6-stage series na ito na magwawakas sa Grand slam finals sa Singapore sa susunod na taon, makaraang daigin si RP team coach Purvis Granger sa semis.

Namintina ang impresibong laro sa unang dalawang araw ng elims, tinalo ni Gatchalian si Granger, 244-238, at isaayos ang pakikipag-tagpo kay Wu, na namayani naman kay Thailander Annop A, 278-327, sa unang laban sa semis.

Nakuntento na lamang si Gatchalian sa halagang $2,300 nang umakyat sa ika-11th place na may 60 points sa Aviva rankings. Si Wu naman ay nagbulsa ng $5,000.

Dinuplika naman ni Vanessa Fung ang sweep para sa Hong Kong bets nang makopo nito ang women’s title, makaraang biguin si local favorite Happy Soediyono, 225-214, para sa ikalawang ABT title.

Ang susunod na yugto ng tour ay sa Singapore Ranking leg sa Nobyembre 3 sa Singapore.

Show comments