NAKABUWELO NA ANG ALASKA AT SAN MIGUEL

SA umpisa ng elimination roung ng PBA Reinforced Conference ay tila panay talunan ang mga koponang nasa Group A at mas matindi ang labanan sa Group B. Subalit ngayon nasa kalagitnaan na ang elims ay nag-uumpisa nang mag-init ang mga teams sa Group A at humahabol na sila ng panalo.

Lumalabas na kasi ang natural na laro ng San Miguel Beer at Alaska Aces!

Masama ang naging umpisa ng dalawang koponang ito, e. Biruin mong matapos na magkampeon sa Invitationals ay nangapa ang Aces at nakalasap ng tatlong sunud-sunod na pagkatalo. Puwes, sinasabing nagkamali ang Aces sa pagpapabalik kay Chris Carawell bilang import nila. Magaling si Carawell kung dalawang import ang format ng torneo. Hindi nakikita ang kanyang kakulangan. Pero nang magsolo siya’y kitang-kita ang katotohanang hindi niya kayang bitbitin ang kanyang koponan.

Pinauwi ng Aces si Carawell at kinuha si Isaac Fontaine. Doon nagsimulang magbago ang kapalaran ng Alaska Aces na nakapagposte ng apat na panalo. Kaya naman umakyat sa ikalawang puwesto ang tropa ni coach Tim Cone na sinasabing "Team of the Future."

Gaya ng Alaska Aces ay nagkaproblema din sa import ang San Miguel Beer. Ang kanilang original choice na si Kris Klack ay pinauwi matapos na lumagpak sa drug test. Kinuha nila ang datihang si Shea Seals subalit may injury pala ito. Sinubukan nila si Eric Dailey subalit palpak ito. Kaya naman limang sunud-sunod na pagkatalo kaagad ang dumapo sa kanila.

Nang dumating si Kwan Johnson ay nakabuwelo na rin sa wakas ang Beermen. At ngayong wala nang injury si Danny Ildefonso at napatawad na ng PBA si Dorian Peña ay rumaratsada na ang tropa ni coach Joseph Uichico.

Nakabuti rin sa Alaska Aces at San Miguel ang format ng torneo kung saan sa pagtatapos ng elimination round ay isa lang ang malalaglag kada grupo. Kahit paano’y wala na sila sa hulihan ng standings at nagsisimula na nga silang umakyat.

Aminado naman sina Cone at Uichico na hindi sila nabahala sa simula ng torneo dahil nga sa alam nilang mahaba pa ang torneo at marami pang pagkakataong makabawi. Ang layunin lang naman nila ay makarating sa quarterfinals at doon ay masasabing "brand new ballgame" na. Kasi start from zero ang lahat ng quarterfinalists.

Kung hindi magbabago ang kalakaran sa Group A, baka safe na ang Beermen at Aces. Safe na rin marahil ang nangungunang Sta. lLucia Realty.

Sa kasalukuyan, ang tanging koponang tagilid ay ang Purefoods Tender Juicy Hotdogs pero puwede pa ring magbago ang kapalaran ng tropa ni coach Paul Ryan Gregorio dahil sa matindi naman ang bago nilang import na si Lenny Cooke. Ang siste’y tila hindi naman import ang problema ni Gregorio kundi ang mga locals dahil sa hindi sabay-sabay na pumuputok ang mga ito. Kapag hindi naremedyuhan ni Gregorio ang sitwasyon, aba’y kandidato na naman sila sa maagang bakasyon.

Maganda sana kung raratsada din ang Purefoods at nang sa ganoon ay maging interesting din ang labanan sa Group A.

Show comments