WINNING THE WAR

HINDI naman marahil nagulo ang utak ng mga PBA fans na nanood ng laro sa pagitan ng Talk N Text at Red Bull Barako noong Miyerkules kung saan tumira ng three-point shot ang Phone Pals sa goal ng Thunder sa mga huling segundo.

Naiintindihan naman ng mga fans ang sitwasyon, eh. Alam nilang kailangang manalo ang Phone Pals laban sa Thunder ng walong puntos o higit pa ang kalamangan upang makarating sa crossover semifinals ng Samsung Invitational Cup.

Kung magwawagi ang Phone Pals nang isang puntos o tatlong puntos ang diperensya, bale wala din. Hindi din sila uusad sa semifinals.

Kaya nga tumira sila ng three-pointer sa basket ng Red Bull. Umasa silang papasok ang tirang iyon at lalamang ang Thunder. Pagkatapos niyon ay iiskor sila ng isang simpleng basket sa kanilang goal upang tumabla ang score at magkaroon ng overtime kung saan hahabulin nila ang walong puntos na kailangan.

Ganoong kasimple ang lahat.

Hindi nga ba’t in-announce pa ng coliseum barker na si Rolly Manlapaz ang sitwasyon may higit pang tatlong minuto ang nalalabi. Sinabi pa niya na kailangang manalo ang Talk N Text ng walong pun-tos.

Katunayan ay nagtampo pa si assistant coch Virgil Villavicencio sa coliseum barker at tinanong pa niya dito kung bakit kailangang i-announce pa iyon. Pakiramdam ng Phone Pals ay lalong bumigat ang pressure sa kanilang balikat. Hindi alam ni Villavicencio na ipina-announce lang iyon kay Manlapaz. Hindi naman gagawin ni Manlapaz iyon nang walang pahintulot ang league officials, e.

Pero kung titingnang mabuti ang sitwasyon, parang nakaganda pa sa Talk N Text ang announcement na iyon. Kasi nga’y nabatid ng mga nanonood ang kalagayan ng Phone Pals. At sa dakong huli’y naintindihan nila kung bakit tumira ng three-point shot ang Phone Pals sa basket ng Red Bull.

Kung ang announcement na iyon ay galing mismo sa league officials, aba’y inihanda lang nila ang mga fans sa nangyaring "kabaliwan" sa endgame. Binigyan lang ng league officials ng dahilan si interim head coach Ariel Vanguardia na mag-isip ng paraan kung paano paaabutin sa walong puntos ang kalamangan ng kanyang koponan.

Kasi nga, kung ikaw ang coach ng isang team, gagawin mo ang lahat upang ma-accomplish ang isang misyon. Ang misyon ng Phone Pals ay makapasok sa semifinals at hindi lang manalo ng isang laro.

Kumbaga sa kasabihang Ingles: It’s not winning the battle that matters. It’s winning the war!

Hindi nga ba’t tinanggap din ng PBA noon ang statement ni dating coach Tommy Manotoc na "One step backward, two steps forward?"
* * *
BELATED happy birthday sa mga kumpare kong sina PBA Press Corps president Tito Talao at dating Sunkist team manager Elmer Yanga na kapwa nagdiwang noong Miyerkules, Agosto 13.

Show comments