Liderato kuha ni Sanchez

Tinalo ni Pinoy International Master Joseph Catiwalaan Sanchez (ELO 2410) si Grandmaster Igor Miladinovic (ELO 2609) ng Greece makaraan ang 41 sulungan ng Sicilian Defense sa top board encounter at umiskor ng 6.5 puntos matapos ang 8th at penultimate round ng XV Open Cannes International Chess Championships sa Cannes, France nang daigin nito.

"Inulit naman ni GM Miladinovic ang laro sa pagitan nina Short at Gurevich buti na lang pumatak ako," anang 32-year-old Cebuano player.

Sa kabilang dako naman, ang 19 anyos na si Grandmaster-candidate Mark Callano Paragua (ELO 2500) ay nakapuwersa ng draw kay Dimitar Marholev (ELO 2385) ng Bulgaria sa marathon na 65 moves ng Pirc Defense na nagresulta ng pagkawala ng kanyang posibleng 2nd grandmaster results o norm.

Ayon kay Paragua, kailangan niyang magwagi kontra kay Marholev sa 8th round at umasang makalaban ang isang grandmaster sa final round para makuha ang 2nd GM results o norm.

Bunga ng draw, si IM Paragua ay may 6.0 puntos na para makasosyo sa 2nd hanggang 5th places kasama sina Marholev at kababayang Asian 3.2a zonal champion na si Grandmaster candidate Ronald Titong Dableo (ELO 2305) at Italian Grandmaster Alexy Ortega (ELO 2437) na nag-draw din sa kanilang mga laban.

Show comments