Ito ang panig ng Beam na nasasangkot na sa malaking kontrobersiya matapos magbanta ang PBA na magsasampa sila ng kaso laban sa naturang kumpanya.
Nilinaw ng Beam sa pamamagitan ng kanilang general-manager na si Baby Yao sa isang press conference na ginanap sa Manila Hotel kahapon na wala silang pinirmahang kontrata sa PBA.
Ayon kay Yao, ang kausap ng PBA ay ang Araneta Group at ang Jonel Promotions na kinatawan ni Nelson Macaraig na siyang signatory ng P5 milyong tseke na tumalbog.
Sinabi ni Yao na ang Araneta at Jonel promotions ang lumapit sa Beam para maglagay ng advertising decals sa playing area.
"It was never a backdoor advertising ploy," ani Yao na nagsabing kinailangan na nilang ipaliwanag ang kanilang panig dahil sa negatibong publisidad sa kanilang kumpanya.
Ayon pa kay Yao, tatlong taon ang kanilang kontrata sa Araneta at Jonel, at hindi kasali dito ang PBA.
"Walang contract ang Beam sa PBA at for point of clarification, hindi nire-represent ng Jonel and Araneta ang Beam. Whatever transaction Jonel promotion and PBA and Araneta had, wala kami doon, Araneta lang ang kausap ko."
Idinagdag pa ni Yao na handa silang i-terminate ang kontrata kung mapapasama lamang ang image ng kanilang kumpanya.
"Were willing to terminate the contract just be out of the issue," ani Yao. "Di namin alam kung ano ang iba pang options namin. Ang gusto kang namin ma-out sa issue. Magandang magkaroon ng publicity pero kung ganitong klaseng publicity, huwag na lang."
Ayon pa kay Yao, inabisuhan na nila ang Araneta na ite-terminate na nila ang kontrata ngunit hindi pumayag ang Araneta.
"Sabi nila, sila na daw ang bahala," ani Yao. (Ulat ni CVOchoa)