SUWERTE NI NELSON

NOONG Sabado sana’y pag-uusapan na ng Red Bull at ng ahente ni Nelson Asaytono kung ano ang magiging desisyon nila hinggil sa paglipat ng manlalarong tinaguriag "The Bull" sa San Miguel Beer.

Mangyari’y napaso ang kontrata ni Asaytono sa Red Bull noong Hunyo 30 at ngayon nga’y nakakuha siya ng offer buhat sa Beermen. Two years ang inihahandang kontrata ng San Miguel kay Asaytono at mas mataas ito nang bahagya sa buwanang sahod na tinanggap niya sa nakalipas na anim na buwan.

Kung hindi nakakuha ng offer si Asaytono sa San Miguel, nakahanda sana ang Batang Red Bull na i-renew ng anim na buwan ang kanyang kontrata. At halos ganoon din ang kanyang matatanggap.

Pero dahil sa maganda naman ang ipinakita ni Asaytono sa elimination round sa nakalipas na Samsung-PBA All-Filipino Cup ay nakita ng lahat na may ibubuga pa siya. Katunayan, ang mga numero’y naitala niya kahit na maikli lamang ang kanyang playing time. Paano pa kung mas mahaba ang playing time na nakukuha niya?

Hindi nadesisyunan ang kapalaran ni Asaytono noong Sabado dahil sa hindi dumating ang team owner na si George Chua sa meet-ing. Mukhang out-of-town ito.

Ayon sa insiders, kursunada ni Chua na i-retain si Asaytono. Kung ang mismong may-ari ng Red Bull ay nagnanais na ma-retain ang serbisyo ni Asaytono, eh di obligadong hintayin nila ito para sa final decision.

Alam din iyon nina Asaytono at ng kanyang ahente. Kaya naman hindi sila nagmamadali. Kumbaga’y binigyan din nila ng courtesy ang kanilang team owner. Tutal nga nama’y hawak ng Red Bull ang right fo first refusal kay Asaytono.

Ang masasabi lang natin, kahit na ano ang mangyari sa susunod na pag-uusap nila’y tiyak na panalo si Asaytono.

Biruin mong maseseguro niyang hahaba ang kanyang career sa PBA gayung noong isnag taon lamang ay aandap-andap na ito matapos na bitiwan siya ng Coca-Cola Tigers na bumili sa prangkisa ng Pop Cola. Parang wala na ngang gustong kumuha sa kanya noon, eh.

Dapat ding pasalamatan ni Asaytono ang Batang Red Bull dahil sa ito ang nagtiwala sa kanya nang ang mga ibang koponan ay tumalikod sa kanya. Binigyan siya ng Thunder ng pagkakataong makabawi kahit paano. Bilib din kasi sa kanya si coach Joseller "Yeng" Guiao na dati naman niyang coach sa Pop Cola.

Gustuhin man ni Asaytono na manatili sa poder ng Red Bull bilang pasasalamat sa koponang ito, natural na iisipin na rin nya ang kanyang future. Ilang playing years na lang naman ang natitira sa kanya at kailangan na rin naman niyang paghandaan ang kanyang pagreretiro.

Ayon nga sa kanyang manager, baka ito na ang huling kontratang mapirmahan ni Asaytono.

Show comments