Nagkaroon ako ng pagkakataong makapanayam si Harp at Torion.
Ayon kay Harp, malaki ang pananalig niya na makakalaro na uli siya at dinadasal-dasal niya na sana bago matapos ang quarterfinal round sa ongoing PBA All-Filipino Cup.
Sa kabilang dako naman, naikuwento naman ni Jimwell ang kanyang naging karanasan sa loob ng rehab center.
Ayon kay Jimwell, noong una ay takot ang kanyang nasa dibdib.
"Nakakatakot kasi ang mga kasama ko doon ay mga addict na talaga. Yun iba nanlilisik pa ang mga mata at yun namang iba pa ang tila wala sa kanilang mga sarili," ani Torion.
"Pero noong matagal-tagal na at nakasama ko na sila sa mga seminars at iba pang gawain ng rehab center eh okay naman pala," dagdag pa ni Torion.
Sinabi rin ni Torion na malaki ang kanyang natutunan sa loob.
Sa loob ng ilang linggo niyang pananatili doon, napag-isip-isip niya na kahit sa guni-guni ay hindi na siya ulit titikim pa ng shabu.
Nanghihinayang si Torion sa mga kaibigan niyang nagtulak sa kanya na tikman ito. Gayunpaman, ipinagdarasal niya na sana hindi talaga mga adik ang mga ito.
"Dito ko lang sila nakilala sa Maynila. Nagpakilala sila sa akin na mga taga-Cebu, siyempre iba kapag mga kababayan mo. Noong may game kami sa Cebu, tinawagan nila ako at sinabing manonood. Eh nanalo kami kaya tuwang-tuwa ako at sumama ako sa kanila upang i-celebrate yung panalo namin," patungkol ni Torion sa mga naging barkada na nagdulot sa kanya ng masamang epekto.
Sa ngayon ay nakalabas na ng rehab si Torion at umaasang makakabalik na sa laro.
"Depende siyempre kay commissioner Eala. Pero may clearance na ako from the rehab center at dinadasal-dasal ko na sana ay i-consider ni Commissioner," panalangin ni Torion.