Malikot, parang walang kapagod-pagod. Subalit mababakas sa kanyang katawan ang mga peklat na di na kailanman mabubura. Mga gasgas, sugat at iba pang palatandaang walang-tigil siyang labas-pasok sa ospital.
At lumuluha siya ng dugo.
"The form of cancer Vincent has really has no cure. He has to undergo a bone marrow transplant," lahad ni Kirk Collier, trainer ng Batang Red Bull Thunder. Tinatangka ni Collier na iligtas ang musmos na si Vince. "He survives on treatments every six weeks, but they cost P 22,000 per treatment, and his parents aren't working right now. But since he got so weak, his dosage will be increased, so it will cost about P40,000 every six weeks."
Ang sakit ni Vince ay tinatawag na Wiskott-Aldrich Syndrome, at wala siyang kalaban-laban sa impeksyon. Iilan lang ang taong nagkakasakit na ganito sa buong mundo, at walang lumalagpas ng limang taong gulang. Si Vince ay anim na taon na, at may nakababatang kapatid na namatay na sa ganito ring sakit.
"Yung immune system niya yung sira, wala siyang panlaban sa infection. Hindi siya nakakahawa; siya ang madaling mahawaan," wika ng naluluhang si Mylene, ina ni Vince. "Yung mahirap kalaban yung bleeding niya, pag hindi mo nakontrol, dire-diretso yun, kailangan namin mag-transfuse ng platelets para makontrol ang bleeding."
Hiniling lang naman ng bata na magkaroon ng birthday party, at sa tulong ng The Philippine Star, Make A Wish Foundation, si Vince Hizon at ang kasintahan nitong si Shaan Bermudez, nakuha niya ito. Subalit ngayon, mas malaki ang hamon, ang makalikom ng halos apat na milyong piso para sa isang bone marrow transplant upang tuluyan nang maligtas si Vince.
Target ni Collier ang PBA, mga pribadong kompanya, at, higit sa lahat, ang mga Fil-Am na walang sinusutentuhang pamilya dito. Sa pananaw niya, pagkakataon ito para maka-pagbigay sa mga mamamayan ng bansang naging susi sa kanilang kasaganahan.
"I think I've been blessed to be here in a beautiful country, to coach basketball, do something I really love, and I want to do whatever I can to help save his life," sabi ng determinadong si Collier. "I'd hate to go before God's judgment and answer why I didn't do more to help."
Nawa'y lahat tayo ay magkaroon ng ganoong uri ng takot sa Diyos.
Kung nais ninyong tumulong kay Vince Fidelis, maaari kayong tumawag sa tanggapan ng programang The Basketball Show sa 932-6824. Makikipag-ugnayan kami sa pamilya Fidelis para sa inyo.