Maraming pyschologist ang nagsasabing ang sports ang pamalit sa digmaan. Kaya marami ang nanonood ng sports ay dahil ginagawa natin itong kahalili ng pakikipag-away. Sa pananaliksik ng ilan ding siyentipiko,kaya nahuhumaling ang maraming kalalakihan sa sports, lalo na sa Amerika, ay dahil hindi nila maharap ang napakarami nilang problema sa pang-araw-araw na buhay.
Noong naghahari pa ang Roma sa mundo, ano ang madalas gawin ng kanilang mga hari o Caesar? Ipinaglalaban nila ang mga gladiator o kayay isinusubo ang mga kristiyano sa mga leon. Katunayan, sa ating mga aklat ng kasaysayan, binabaha pa nila ang Coliseum para maaaring maglaban ang dalawang barko sa gitna nito.
"Bread ang circuses" ang tawag sa estratehiyang ito. Pakainin lamang ng tinapay ang mga nagugutom at aliwin ng bahagya ang mga masasama ang loob, matitigil na ang anumang balak na rebolusyon.
Dahil dito, napupukaw ang damdamin ng mga tao, nailalabas nila ang matitindi nilang damdamin at nawawala ang kagustuhan nilang gumawa ng gulo. Iyan daw ang dahilan kung bakit gusto ni Pangulong George W. Bush na makipag-digmaan: para di na mapansin na walang nangyayari sa kanyang administrasyon. Mas mainam pang makipag-away sa ibang bansa, kaysa awayin siya ng sarili niyang mamamayan.
Sa mga pelikula, isang halimbawa ang orihinal na Rollerball, na pinagbidahan ni James Caan noong 1970s. Ang larong rollerball na hango sa roller derby sa Amerika, ay naging paraan ng pakikipaglaban na hindi nangangailangan ng armas. Walang namamatay at tuloy ang ikot ng mundo.
Noong 1936, ginamit din ni Adolf Hitler ang Olympics upang ipakitang ang superyuridad ng Germany. Nakisama rin ang ilang bansa. Katunayan, kaya apat ang gintong medalya ni Jessie Owens ay dahil pinilit siyang pumalit sa isang kakampi niyang Hudyo. Hindi raw masisikmura ni Hitler na talunin siya sa sarili niyang bayan ng isang kinasusuklaman niyang Hudyo.
Ang tanging masama tuwing nagkakagulo ay natitigil ang lahat ng mga patimpalak sa palakasan, sa panahong higit na kailangan ito. Huwag sana itong mangyari ngayon.