Mindanao Friendship Game sasambulat ngayon

CAGAYAN DE ORO CITY -- Magbubukas ngayon ang ikalawang edisyon ng Mindanao Friendship Games kung saan ang punong-abalang Cagayan de Oro City ang nagdedepensang kampeon.

Makulay na opening ceremonies ang inihanda sa Don Gregorio Pelaez Sports Complex dito na dadaluhan ni Department of Interior and Local Government (DILG) secretary Joey Lina bilang panauhing pandangal at tagapagsalita.

Kumpiyansa si Cagayan de Oro City Mayor Vicente Emano na maipagtatanggol nila ang titulo sa isang linggong torneong ito na lalahukan ng mahigit 4,000 partisipante.

"We have the homecourt advantage, so our athletes should be among the favorites during the meet," pahayag ni Emano.

Inaasahan ding dadalo sa opening ceremonies sina Philippine Sports Commission Chairman Eric Buhain at PSC Commissioner Butch Ramirez na siyang project director.

Mayroong 18-events na paglalabanan kabilang ang arnis, athletics, boxing, badminton, baseball, chess, swimming, volleyball at lawn tennis.

Tiniyak nina Emano at Ramirez ang seguridad ng mga partisipante ng event lalo na sa kasalukuyang sitwasyon sa bansa.

"I have not heard any untoward incident that took place during sports competition. But to be sure, we are taking all necessary precautions," ani Rami-rez. (Ulat ni CVOchoa)

Show comments