Ito ang mga senaryo ngayon sa dalawang larong nakatakda sa Phil-Sports Arena sa Pasig sa pagpapatuloy ng umiinit na aksiyon sa PBA- Samsung Commis-sioners Cup.
Para lalong palakasin ang tsansa sa torneong ito, isang bagong import ang kinuha ng Tigers sa katauhan ni Torraye Braggs upang palitan sa puwesto si Bryant Basemore.
Masusukatan ng lakas ngayon ang 68 na si Braggs ng Tigers sa kanilang pang-alas-7:05 ng gabing laban bilang main game pagkatapos ng engkwentro ng Realtors at FedEx sa dakong alas-5:05 ng hapon.
Nakasisiguro na sa eight team quarterfinals ang Coca-Cola (5-3) at Sta. Lucia (5-2) kasama ang walang larong San Miguel Beer (5-3) at defending champion Batang Red Bull (7-1).
Ang Red Bull Thunder pa lamang ang may hawak ng isa sa apat na twice-to-beat ticket na ipagkakaloob sa top four teams patungong quarterfinal phase kung saan ang no. 1 ay haharap sa no. 8, no. 2 kontra no. 7, no. 3 laban sa no. 6 at no. 4 versus no. 5.
Ang Aces ay kasalukuyang nag-iingat ng 4-3 record kasunod ang Talk N Text (4-4) habang ang FedEx at ang Shell Velocity ay tabla sa 3-4 kartada.
Mas pinapaborang manalo ngayon ang Realtors laban sa Express dahil sa kanilang taglay na four game-winning streak at ito ang nais dugtungan ng Sta. Lucia sa pangunguna nina Stephen Howard, Chris Clay at Marlou Aquino.
Inaasahang hihigitan ni Braggs ang tulong na ibinigay ni Basemore para sa Tigers na aasa rin kay Ron Hale, Johnny Abarrientos, Poch Juinio at Rafi Reavis na tatapatan naman nina Ajani Williams, Chris Carawell, John Arigo, Rob Duat, Ali Peek at EJ Feihl.
Habang isinusulat ang balitang ito ay kasalukuyang naglalaban ang Barangay Ginebra (2-6) at Turbochargers.