UPHR Altas di umubra sa CSB Blazers

Muling nagpamalas ng eksplosibong laro si Sunday Salvacion upang ihatid ang College of Saint Benilde sa impresibong 82-50 panalo kontra sa University of Perpetual Help Rizal sa pagpapatuloy ng NCAA men’s basketball eliminations sa Rizal Memorial Coliseum kahapon.

Matapos umiskor ng 37-puntos sa kanilang 86-72 panalo kontra Letran, muling humataw si Salvacion sa paghakot ng 25-puntos upang isulong ang CSB Blazers sa ikalimang sunod na panalo na la-long nagpahigpit ng kanilang kapit sa solong pamumuno.

Katulong ni Salvacion na mayroon ding 12-rebounds, 4-assists at 4-steals ay si Ronald Capati na tumapos din ng 20 puntos para sa St. Benilde na nagpalasap ng ikaapat na sunod na pagkatalo sa UPHR Altas na lalong nabaon sa 1-4 record.

Umiskor si Salvacion ng 11-puntos sa isang krusyal na 21-8 run sa ikalawang quarter na kinatampukan ng dalawang tres upang iposte ng Blazers ang 29-15 pangunguna, 4:55 na lamang ang nalalabing oras sa ikalawang quarter.

Sa unang laro, naging matagumpay din ang junior counterparts ng Saint Benilde na La Salle Greenhills nang kanilang pasadsarin ang UPHR Altalletes, 106-47. (Ulat ni CVO)

Show comments