Tamaraws sinuwag ng Blue Eagles

Nakisalo sa liderato ang Ateneo de Manila University nang kanilang pasadsarin ang Far Eastern University sa isang overtime game, 73-68 sa pagpapatuloy kahapon ng UAAP men’s basketball tournament sa Rizal Memorial Coliseum.

Umiskor ng magkasunod na basket si Larry Fonancier sa extra period upang ihatid ang ADMU Eagles sa panigurong 71-66 kalamangan na naging daan sa kanilang ikatlong sunod na panalo sa gayong ding dami ng laro.

Bunga nito, nakisalo ang Ateneo sa kanilang karibal na defending champion De La Salle University sa pangkalahatang pamumuno ha-bang nalasap naman ng FEU Tamaraws ang kanilang ikalawang talo sa 3-laro.

Tumuntong sa overtime ang laro nang kapwa ipasok ni Fonacier ang dalawang free throws mula sa foul ni Gerard Jones na nagtabla ng score sa 60-all, 14 segundo na lamang ang nalalabing oras sa regulation.

Sa naunang seniors game, kumalas sa ikatlong quarter ang University of Santo Tomas upang pabagsakin ang University of the Philippines, 92-75 .

Ang panalong ito ang nagbangon sa Tigers sa kanilang kabiguan sa Ateneo de Manila University, 85-95 at pagandahin ang kanilang record sa 2-1 na nag-angat sa kanila sa ikatlong puwesto.

Isang 21-6 run ang pinagtulung-tulungan nina Alwin Espiritu, Jemal Vizcarra, Lago Raterta at Dondon Villamin.

Pinangunahan ni Alwin Espiritu ang Santo Tomas sa ikatlong quarter na nagbigay sa Tigers ng 77-58 kalamangan buhat sa 56-52 pagka-kalapit ng score.

Show comments