Sumandig ang Altas sa husay ni Marcel Cuenco nang pangunahan niya ang UPHR sa opensa sa overtime nang tumapyas ng 20 puntos kabilang ang follow-up mula sa sablay ni Ronald Hawkins kasabay ng pagkaubos ng oras ang nagbigay sa Altas ng panalo.
Ang panalong ito ang nag-angat sa pagkatalo ng Altas sa opening kontra sa defending champion San Sebastian College noong Sabado nang kanilang ipalasap sa Red Lions ang ikalawang sunod na kabiguan sa ganoon ding dami ng laro.
Ngunit ang panalong ito ng Altas ay nabahiran ng kontrobersiyal matapos na iprotesta ng pangulo ng San Beda na si Fr. Bede Hechanova ang laro na sinasabing ang game-winning basket ni Cuenco ay isinalpak nito makaraang tumunog ang final buzzer.
"It was a big break for us that he (Cuenco) was left all alone on the weak side," wika ni Perpetual coach Bai Cristobal. "We played solid defense down the stretch and some of our new players really stepped their game up."
Umabante ang Altas sa 77-74 may 13.4 segundo ang oras mula sa split shots ni James Quiazon, pero nagawang itabla ni Erwin Velasco ang iskor nang bumato ito ng triples.
Nagkaroon ng tsansa ang San Beda na maitakas ang panalo sa regulation, subalit isang error ang ginawa ni Arjun Cordero na dapat sanay umiskor ito ng jumper, subalit minabuti nitong ipasa ang bola kay James Hudencial na ang binitiwang desperadong tres ay pumaltos.
Sa juniors game, naipaghiganti naman ng Red Cubs ang kabiguang nalasap ng kanilang senior counterparts nang kanilang durugin ang Altalettes, 162-50. (Ulat ni CVO)