Subalit sa aminin natin o hindi, ang imports ang siyang malaking bahagi ng panghatak ng PBA. Nais ng mga fans na makakita ng mga bagong attraction. Kumbaga sa kumakain sa restaurant, nais nila ng bagong putahe at hindi yung puro mamit siopao o hamburger at fries.
Kaya naman bukod sa pagpapalakas ng kani-kanilang koponan, responsibilidad din ng mga coaches at team owners na bigyang kasiyahan ang mga fans sa pamamagitan ng pagkuha ng ibat ibang imports.
Sa kaisipang ito, sinasaluduhan natin ang San Miguel Beer at Alaska Aces na kumuha ng tigalawang baguhan para sa PBA Commissioners Cup na nagsimula kahapon sa Araneta Coliseum.
Maagang pinarating ng San Miguel ang mga imports na sina Damon Jay Flint at Jermaine Tate samantalang pinapirma naman ng Alaska Aces sina Ajani Williams at Chris Carawell. Kahit paanoy marami ang nagulat sa ginawang ito ng Beermen at Aces.
Kasi nga, ang akala ng karamihan ay si Mario Bennett pa rin ang magiging isa sa mga imports ni coach Bethune Tanquincen. At siyempre, akala ng karamihan ay sina Ron Riley at James Head pa rin ang kukunin ni coach Tim Cone.
Pero siguro naisip nina Tanquincen at Cone na dahil nabigo ang kani-kanilang koponan sa nakaraang Samsung-Governors Cup, mabuti pang sumubok na lang sila ng ibang imports. Baka nga naman mas malakas ang makuha nila at mas maganda ang maging tsansa nila.
Siyempre, isang malaking sugal iyan para sa San Miguel at Alaska. Paano kung palpak ang mga baguhang ito? Eh, di hahanap ulit sila ng kapalit. Magsasayang sila ng dolyares.
Ang ganitong senaryo naman siguro ang iniiwasan ng ibang koponan. Bukod sa nais na nilang makasiguro sa pamamagitan ng pagkuha ng imports na subok na nila, ayaw siyempre nilang magsayang ng pera.
Sa ganang akin, maganda na rin ang nangyaring limampung porsyento ng mga imports na lalaro sa Commissioners Cup ay mga baguhan. At least, may mga bagong attractions na panonoorin ang mga fans. Kung may mamit siopao o hamburger at fries pa rin, mayroon ding steak, roast beef at kung anu-ano pa na puwedeng pagpilian.
Makakabawi kahit paano ang PBA sa gate attendance dahil sa magiging curious ang mga fans na makita kung ano ang puwedeng gawin ng mga bagong imports.