4 A's magsisilbing basehan ng mga Pinoy tracksters

Ang kasalukuyang Asian Amateur Athletic Association Grand Prix ay magsisilbing prelude sa klase ng kompetisyon na haharapin ng mga Filipino tracksters sa Asian Games ngayong Setyembre.

At base sa nakikita ni PATAFA president Go Teng Kok, malaki ang tsansa ng mga locals na magwagi sa Busan, South Korea.

"The Grand Prix showcases the top athletes from Asia, kaya lahat gusto mga atleta nila na kasali diyan. I don’t believe the other countries will try to hide their athletes," ani Go ng maging panauhin sa lingguhang PSA Forum sa Holiday Inn hotel kahapon.

Aabot sa 21 bansa at 122 atleta ang sasabak sa tatlong yugto ng Grand Prix na ang huli ay gaganapin sa Manila sa Mayo 26 sa Rizal Memorial Track and Field oval.

Pangungunahan ni Southeast Asian Games double gold medalist Eduardo Buenavista ang kampanya ng bansa makaraang mag-uwi ng silver medal sa 3,000-meter run sa unang yugto na idinaos sa Hyderabad, India.

Ang 22-anyos na tubong South Cotabato ay tumapos ng karera sa tiyempong walong minuto at 19 segundos na may tatlong segundo lamang na layo sa likod ng Indian counterpart na siyang nanalo sa nasabing event.

At ang impresibong performance ni Buenavista ay isang magandang prediksiyon para sa kanyang pagwawagi ng gold sa Manila leg.

Inaasahang ilalahok si Buenavista sa Asiad sa apat na events--10,000-meter run, 5,000-m, 3,000-m at 1,500-m.

"Kung hindi magkaroon ng problema sa schedule, apat na events ang sasalihan niya. But sure na siyang mananalo ng medals, di ko lang alam kung gold," ani pa ni Go.

Show comments